Sa Gitna ng Kakahuyan ( Ang Paglalakbay ni sir DJ )

Minsan, tinatanong natin sa ating mga sarili kung ano ba talaga ang kahulugan ng ating buhay at minsan sa napakahabang paglalakbay bilang mga tanod lupa, sa last quarter pa lamang natin naiintindihan na kung kailan unti-unti na nating nararandaman ang kaligayahan.

Marahil nabubuhay tayo para sa iba, at isinasabuhay tayo ng iba kapag tayo’y wala na…

At ito ang pinakamasarap at dakilang kontribusyon na nagawa natin, na hindi planado at iskripted.

Ang mga alagad ng sining ay bayani, mga tila aktibistang nakikipaglaban na maipakita sa mundo ang kahulugan ng “Malayang Sining”, bagamat hindi tayo sumisigaw sa Plaza Meranda at sa tapat ng mga gusali ng pamahalaan, naiwawaksi naman natin ito sa pamamagitan ng pagpipinta.

Sa Pamantasan ng Silangan ay may isang bayani, bayani ng mga estudyante at bayani ng sining, hindi matitatanggi ang kontribusyon ni Prof. Alex de Jesus, na nakilala ko noong estudyante pa lamang ako, wala akong alam sa kanya bilang kaibigan, ni wala rin akong alam sa kanya bilang kapatid pero sa apat na taong pagkakilala ko sa kanya at sa ilang pang taon na patuloy ko siyang dinadalaw sa pamantasan. Nakilala ko siya ng tuluyan bilang ama, naging ama siya ng Buklod sa mahaba din na panahon at hindi matatawaran ang suportang ibinibigay niya sa mga estudyanteng nangangarap maging mahusay sa kanyang larangan.

Isa sa pinakamasayahing nilalang sa mundo, ang kalungkutan sa kanya ay kasalanan at ang pagbibigay ngiti sa mga taong nakapalibot sa kanya ay tila canvass na buong laya niyang pinipintahan. Parang meron siyang imaginary pigments sa kanyang mga salita, ngiti at galaw sa lahat ng sitwasyon, pagkakataon at oras ay nagagawa niyang magaan.

Nakasama ko siya sa unang ART Exhibition na naging kabahagi ako sa Museo Valenzuela, “The Musicians” ang titulo ng kanyang obra, magkatabi ang aming mga gawa at ng muli kung pasyalan ang pamantasan ay may malaking pagbabago sa kanyang mga likha, kung baga sa rami, ay mas masinsin at kung ihahalintulad sa salamin, makikita mo ang sarili mo ng tuluyan, na tumatagos hanggang kaluluwa ang repleksyon, at ang tanging target nito ay ang iyong puso. Mapapangiti ka at sasabihin mo sa sarili mo, sana may pagkakataong makapasok ako sa paraisong likha ng pintor na ito, ni walang dahong tuyot, ni walang ibong ligaw, alam ng bawat sanga ng kanyang mga puno ang lugar na dapat nilang usbungan at alam ng bawat makukulay na hamog kung saang mga buko sila manunuluyan.

Hindi takot gumamit ng kulay si sir DJ, katulad ng kanyang mga pilosopiya sa buhay, hindi siya takot sa pagbabago at hindi takot ang pagbabago sa kanya. Alam ng lahat ng kanyang mga mag-aaral ang araw-araw niyang pagtahak sa napakalayong bayan ng Laguna patungo sa Kalookan para magturo at magbahagi ng kanyang malawak na kaalaman. Masarap maging ama si sir DJ ng isang organisasyon, dama mo ang kanyang suporta at gabay.

Sa kanyang pagkawala, naisip ko wala na akong makakasabay sa LRT kapag night shift ako, hindi na niya maikukuwento sa akin ang kanyang mga estudyante at ang mga kasiyahang nararanasan sa pakikisalamuha sa mga ito. Hindi ko na siya masasabayang tumawa at hindi ko na siya makakasamang uminom sa may Vito Cruz at higit sa lahat,  naputol na ang pagpipinta ng makukulay na kakahuyan.

Ang relasyon ng estudyante, kasama sa trabaho, kapamilya at minamahal ay nasa iba’t-ibang dimension, na tulad ng pintura na may kanya-kanyang maaring kalagyan, sa canvass man ito, sa kahoy o sa mukha ng payasong nalulungkot, marahil ang ilan sa mga payasong ito ay nasa katauhan ng mga estudyante na buong buhay nila ay di nila nakita si Happiness.

At katulad ng kanyang pagkamatay, nakita ko ang iba’t-ibang kulay na naiwaksi niya sa canvass ng buhay, mga estudyanteng patuloy na lumilikha ng sining na nakapalibot sa kanyang mga labi. Muli kong pinagmasdan ang kanyang mukha, may ngiti, naisip ko…naglalakbay na kaya siya sa mga makukulay na kakahuyang nilikha niya.

O, nakaupo siya katabi naming… bago siya muling maglakbay. Dahil alam kong masaya siya dahil isa ako sa mga makukulay na usbong na nilikha niya. Siya ang coach ko sa Tagisan ng Talino at siya ang naging coach ko pa sa madaming bagay.

Maraming nalungkot sa pagkawala niya, pero sa tuwing pagmamasdan ko ang kanyang mga obra, tila may bumubulong sa akin na…bagamat biglaan ang pagkamatay, hindi natin alam na napaghahandaan natin ito, ang mahabang mga taon ay paghahanda, ang paggawa ng mabuti at magpaligaya ng kapwa ay isang paghahanda, ang pagiging mabuting professor at nilalang ay isang paghahanda.

Bagamat ang mga obra maestra niya ay tagapagpaalala ng kanyang kontribusyon sa sining, mas nagpapaalala ito sa akin ng kanyang mga emosyon, bawat hinabing emosyon bilang tanod lupa. At darating ang panahon, mamamalayan na lamang natin, na nais nating akyatin ang isang kulay bughaw ng puno na inuusbungan ng dilaw, lila at pulang mga sanga. At dahil hirap tayong abutin ang munting paru-paro  na nasa tuktok nito, mamamalayan na lamang natin na may tumutulak sa ating mga paa paitaas ng sanga, nakaagapay upang hindi tayo mahulog…

Siya si sir DJ, at nasa loob tayo ng kanyang makulay ng kakahuyan. Magmimistulang gabay pa rin natin hanggang sa kabilang buhay at inspirasyon ng kanyang mga nagging estudyante hanggang sa kanilang mga tagumpay.

Advertisements

One thought on “Sa Gitna ng Kakahuyan ( Ang Paglalakbay ni sir DJ )

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s